Sa daigdig ng kalikasan

Sa mga kabagang kong blogger at kachokaran kong lurkers, Musta naman? paumanhin sa aking panandaliang pamamahinga sa mundo ng blogosperyo. Mula sa pananahimik, heto at muling nagbabalik ang inyong lingkod, animo’y adik! 😛

Nakaraang taon nung makita ko at isa sa bumoto online sa mga kaibigang blogger ang tungkol sa Saranggola Blog Awards ni Kuya Bernard. =D  At sa taong ito, ang inyong lingkod ay naki-isa sa kasiyahang ito. Kaya ipagpaumanhin nio po. (sana makuha ko din boto nio :D)

“Kaibigang Puno”

Buto nang ika’y itanim,
tabong tubig kung ika’y diligin
Pagsilip ng iyong sanga, sabik na aking makita.
Luntian mong dahon, hinihintay umusbong

Matibay mong sanga nagsilbing aking kama,
Hanging dumadaloy, animo ako ay inuugoy.
Lilim na iyong dulot, sa init nagsilbing aking kumot.
Nagsisilbing taguan sa tuwing aso ko’y kaharutan,

Panahon ng sakuna,
panahon ng aking pangamba,
Hangin na sa iyo’y humahampas,
kabog ng dibdib ko’y anong lakas.

Ugat mong nakakakapit sa lupa,
lumalaban sa dumaragasang baha
Umulan, umaraw, nananatiling matatag
Hay salamat! Dahil sayo ako ay panatag.

Taon ang nagdaan, kay dami nang naranasan
bunga mo’y nagsibulan, o kay sarap pagmasdan
Ika’y yayakapin, hindi ko lilimutin
Bahagi ka ng nakaraan, isang napakasayang kabataan.

“Kalikasan”

Masdan ang ating paligid
Mistulang naghihingalo’t nanganganib
Samu’t saring salot,
tao din ang may dulot.

Walang sawang pagpaslang
Sa luntian na kagubatan,
Walang awang paglason
Sa anyong tubig, basura’y abot ang tapon.

Tambuchong itim ang usok
Mga pabrikang animo’y kabuteng sumusulpot
Malinis na hangin, ating hangarin
Disiplina sa sarili, ating nang atupagin.

Ngayon ang simula,
Pagkakaisa ng madla
Tungo sa iisang mithiin
Mayamang kalikasan, dulot ay kaginhawahan.

Regalong yaman ng kalikasan
Nawa ay ating pag-ingatan
Sa buhay natin ay nagbibigay ng yaman
Tungo sa minimithing kaunlaran ng naghihirap na bayan.

“Nyebe”

Pangarap ng karamihan
Paskong may kalamigan
Makakapal na saplot
Init sa katawan ay dulot.

Mala bulak kung bumagsak
Mula sa langit na parang umiiyak
Bata man o may katandaan
Dulot nito’y kagalakan.

Aking inakala, mula pa nang pagkabata
Nyebe ay panaginip lamang.
Ngayon akin nang nararanasan.
O..hay! Anong lamig.

Luntiang kapaligiran,
binalot ng kaputian
Mga hayop sa kakahuyan,
Nagsimula nang maglikasan.

Lamig na dulot sa kalamnan nanunuot,
Paskong puti kung tawagin
Masaya naman kung tutuusin
Hindi nga lang kasing tulad
Ng pasko sa nayon natin.

-=topexpress=-